Pinag-iingat ngayon ng Philippine Consulate General sa Jeddah ang mga OFWs sa Saudi Arabia dahil sa pinangangambahang paghagupit ng powerful tropical cyclone sa western region ng kingdom.
Ayon kay Consul General Edgar Badajos, kanya nang pinayuhan ang mga miyembro ng Filipino community doon partikular na ang mga nasa Najran na maging alerto at mapagbantay sa posibleng pagbaha at flash floods na maaring idulot ng Bagyong Mekunu na inaasahang magla-landfall doon ngayong linggo ng gabi.
Base aniya sa GAMEP o General Authority of Meteorology and Environment Protection ng Saudi, ilang bahagi ng kingdom ang makararanas ng matinding pagbuhos ng ulan simulang mamayang gabi hanggang sa araw ng martes.
Kabilang sa mga maaapektuhan ng bagyo sa KSA ay ang Al Kharkhir, Tabuk, Madinah, Makkah, Shrqiyah habang makararanas naman ng mga pag-ulan ang mga lugar ng Jizan, Asir at Al Baha region.
Tinatayang 8,000 Pilipino ang nasa Najran at 5,000 sa Jizan, samantalang 13,000 naman ang nagtatrabaho sa Khamis Mushayt.