Hiniling ni Solicitor-General Jose Calida sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ng opposition congressmen sa pangunguna ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman dahil sa teknikalidad at kawalan ng merito.
Ayon kay Calida, terible ang kamalian ng nasabing petisyon dahil nabigo ang mga naghain nito na isama ang joint resolution ng kongreso na pinagbatayan naman nila ng kanilang isinampang petition.
Nag-desisyon na rin umano ang Supreme Court sa Lagman versus Medialdea kung saan sinabi ng SC na mayroong umiiral na rebelyon sa Mindanao alinsunod na rin sa naunang deklarasyon ng batas militar sa lugar.
Wala anyang batayan ang mga argumento ng mga petitioner na walang “factual basis” upang palawigin ang martial law sa Mindanao at umano’y umabuso ang kongreso dahil umakto ito taliwas sa isinasaad ng Constitution.
Dagdag pa ni Calida, dapat pagtibayin ng mga petitioner na wala talagang at tuluyan ng nagtapos ang rebelyon sa Mindanao.
Ipinaliwanag din ng SolGen na malinaw naman na hindi pa natatapos ang rebelyon dahil sa pananatili ng mga teroristang grupo kabilang ang kadedeklara lamang na terrorist group na CPP-NPA.