Kumpleto na ang Peace Panel ng pamahalaan na makikipag usap sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ibabalik nila ang lumang tawagan sa panel na GRP o Government of the Republic of the Philippines sa halip na GPH o Government of the Philippines na ginamit ng Aquino Administration.
Ipinaliwanag ni Bello na sa ilalim ng pangalawang GRP nang mabuo at malagdaan ang may 10 kasunduan sa NDFP na kinabibilangan ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law gayundin ang JASIG o Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.
Maliban kay Bello, miyembro rin ng GRP sina dating Congressman Hernani Braganza at Atty Rene Sarmiento na kapwa naging miyembro ng government panel sa ilalim ng Ramos at Arroyo Administration.
Nadagdag naman sa GRP sina Atty Angela Librado na kakatawan sa kababaihan at Atty Noel Felongco na kakatawan naman sa katutubo.
Posibleng simulan ang pormal na peacetalks sa NDFP sa Agosto
By: Len Aguirre