Mariing itinanggi ng Philippine Coast Guard ang mga alegasyong “planted” o itinanim lamang ang mga sako na narekober sa Taal Lake, na pinaniniwalaang labi ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemi Cayabyab, ang ikinakasang search and retrieval operation ay bahagi ng isang lehitimo at pormal na imbestigasyon, batay sa impormasyong ibinunyag ng whistleblower na si Julie “Totoy” Patidongan.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng PCG, na mahirap ang operasyon dahil sa lalim at hindi malinaw ang tubig ng lawa, na may lawak na 234 square kilometers at lalim na 198 metro o katumbas ng isang animnapung palapag na gusali.
Bagama’t pinapayagan pa rin ang paglalayag ng mga bangka sa lawa, may mga itinalagang seguridad sa mga lugar na bahagi ng imbestigasyon upang tiyakin ang maayos at ligtas na operasyon.
Sa ngayon, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga sako na narekober sa lawa, kung saan umabot na sa lima na hinihinalang mga buto ng missing sabungero.