Nanawagan ng patuloy na pagkakaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong holiday season.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos nitong pangunahan ang pamamahagi ng Christmas gifts at livelihood support sa mga indigenous peoples at mga palaboy sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati sa “Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo at Unang Ginang sa Sambayanang Pilipino” na ginanap sa Open Amphitheater sa Rizal Park, Maynila kaninang umaga, sinabi ng Punong Ehektibo na malalampasan lamang ang mga hamon kung magkakaisa at sama-sama ang mga Pinoy.
Ipinunto ng Pangulong Marcos na ang Pasko ay para sa mga bata at inorganisa ang event upang maramdaman nila ang diwa ng Pasko sa pamamagitan nang pagbibigay ng ayuda sa kani-kanilang pamilya.
Kaakibat ang Department of Social Welfare and Development o DSWD, naabutan ng ayuda at pamasko ang 400 bata at 574 indibidwal at pamilya, kabilang ang mga IPs at mga street dwellers.