Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang zero tariff rate ay ipapataw sa ilang mga produkto ng Estados Unidos gaya ng mga sasakyang gawa sa Amerika.
Sinabi ni Pangulong Marcos na hiniling ng Estados Unidos na buksan ng Pilipinas ang merkado para sa ilang uri ng sasakyan mula sa Amerika, partikular ang mga automobile products.
Nabatid na kasalukuyang nasa 30-percent ang taripa na ipinapataw ng Pilipinas sa mga 10-seater na sasakyan, habang nasa 20-percent naman ang taripa para sa mga bus at truck.
Samantala, ang 19-percent tariff na ipapataw ng Estados Unidos sa mga produktong galing sa Pilipinas ay ang pangalawa sa pinakamababa sa buong Southeast Asia; sunod lamang sa Singapore na may 10-percent tariff.
Bukod sa zero tariffs para sa mga sasakyan, pumayag din ang Pilipinas na bumili ng mas maraming produkto mula sa Estados Unidos.
Sa naging pulong nina Pangulong Marcos at U.S. President Donald Trump, muling pinagtibay ang magandang relasyon ng dalawang bansa at tiniyak na ipagpapatuloy ang dayalogo kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa taripa at kalakalan.
—sa panulat ni Jasper Barleta