Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumanggap ng mga suhestyon mula sa pamilya Duterte kaugnay sa pagtugon sa isyu ng pagbaha sa bansa.
Ito, ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, ay matapos patutsadahan ni Acting Davao City Mayor Baste Duterte si Pangulong Marcos hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Usec. Castro, patuloy si Pangulong Marcos sa pagresolba sa nasabing isyu at iginiit na hindi makatulong ang mga pasaring na wala namang kaakibat na suhestyon.
Dagdag pa ng Palace official, mas makatulong ang mga Duterte kung ipaliliwanag ng mga ito ang mahigit labingtatlong libong flood control projects noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para malaman ng publiko kung nag-ooperate ba ang mga ito.
Nabatid na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang masusing imbestigasyon kaugnay sa mga flood control project sa bansa.