Tumanggi muna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalanan ang mga posibleng sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi gagamit ng pagbabanta o maglalabas ng hindi beripikadong impormasyon ang Pangulo kaugnay sa mga iregularidad.
Sinabi ng opisyal na ang naunang pahayag ni PBBM ay nagsisilbing babala upang masiguro ang pagiging maayos at tapat na paggastos sa national budget para sa 2026.
Giit ni USEC. Castro, seryoso ang Pangulo sa panawagang managot ang mga gumamit ng pondo sa maling paraan at handang magsampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang may sala.