Pormal nang inihain sa Kamara nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at Abamin Party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr., ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa at mas malaking multa sa mga nagpapakalat ng fake news.
Sa ilalim ng House Bill 3799, parurusahan ng anim hanggang labindalawang-taong pagkakakulong ang mga mapapatunayang nagpakalat ng fake news o mga maling impormasyon na may multang aabot sa 500-thousand-pesos hanggang 2-million-pesos.
Papatawan din ng pinakamataas na parusa ang mga gumagamit ng automated o coordinated digital system kabilang ang mga automated computer program, troll, o sock puppet network.
Ikinabahala ng dalawang mambabatas, ang pagkalat ng fake news at disinformation na malaking banta anila sa pambansang seguridad, diplomatic relations ng Pilipinas sa ibang bansa, at tiwala ng publiko.
Para naman maiwasan ang pag-abuso sa panukala ay mayroon ding exception para sa mga satire, parody, at editorial contents kung saan, nasa Regional Trial Courts na ang hurisdiksyon sa mga naturang kaso.
Sakaling maisabatas, bubuo rin ng isang Joint Congressional Oversight Committee ang Kamara na tututok sa pagpapatupad nito.