Ibinasura ng Philippine Medical Association (PMA) ang panukala na bigyan na ng lisensya ang mga hindi pa nakatapos ng licensure examination para maging ganap na doktor.
Ayon kay Dr. Benito Atienza, bise presidente ng PMA, malalabag ang medical act kapag otomatikong binigyan ng lisensya ang mga hindi pa nakakapagtapos ng licensure exams.
Sinabi ni Atienza na naniniwala siyang sapat naman sa kasalukuyan ang bilang ng doktor sa bansa para tugunan ang pangangailangan sa pagharap sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa PMA pa lamang ay mahigit 80,000 na ang kanilang miyembro.
Maaari rin aniyang tumulong sa kanilang ang mga doktor na hindi pa nakakapagtapos ng licensure exam.
Matatandaan na sa apat na araw na licensure exam para sa may 1,500 graduates ng medisina nitong Marso dalawang araw dito ang inabutan ng community quarantine.
Ang otomatikong pag-isyu ng lisensya sa mga hindi pa nakapag-board exam ay iminungkahi ni Senador Francis Tolentino.