Magkakasa muli ng panibagong malawakang kilos-protesta ang mahigit isandaang grupo sa Nobyembre a-trenta, Bonifacio Day, sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito’y bilang pagtutol pa rin sa korapsyon at katiwalian sa flood control projects.
Ayon sa grupong Trillion Peso March Movement, layunin nilang pagkaisahin ang mamamayan sa moral at makataong protesta laban sa katiwalian, sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, at sama-samang pagkilos sa mga komunidad.
Kabilang sa mga aktibidad ang White Ribbon Campaign kung saan hihikayatin ang publiko na magsuot at maglagay ng puting laso sa bahay, sasakyan, pamilihan, at gusali bilang simbolo ng paninindigan laban sa korapsyon.
Itatakda rin ang isang araw ng pag-aayuno, lingguhang misa sa EDSA Shrine, interfaith prayer gatherings, at homily ng mga pari at pastor.
Kaugnay nito, isasagawa rin ang mga collective activities sa mga komunidad, paaralan, workplace, at freedom parks tulad ng 6 o’clock noise barrage for accountability, at 8 o’clock candle lighting against corruption.