Idinepensa ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihin sa pwesto ang karamihan sa mga cabinet secretaries o mga pinuno ng mga pangunahing kagawaran ng gobyerno.
Sa gitna ito ng ilang komento mula sa iba’t ibang sektor na halos wala namang nagbago sa gabinete ng pangulo dahil karamihan pa rin sa mga ito ang nanatili sa pwesto.
Paliwanag ni Executive Sec. Bersamin, ang Pangulo ay maituturing na isang manager at may sariling levels of achievements na tinitingnan sa mga kawani nito.
Ayon sa Kalihim, may expectations o inaasahan ang presidente sa bawat miyembro ng gabinete na malinaw nang sinabi sa mga ito sa simula pa lamang.
Kaya kung nagpasya man aniya si Pangulong Marcos na panatilihin sa pwesto ang sinuman, sinabi ni Executive Sec. Bersamin na ito ay dahil posibleng naabot ng mga ito ang pamantayan na hinahanap ng pangulo.