Iniimbestigahan ng Department of Agriculture ang sinasabing pananamantala sa presyo ng bawang sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., posibleng may cartel sa naturang sangkap sa pagluluto dahil walang garlic industry ang bansa, ngunit ginagawan na ito ng paraan ng kagawaran upang ibaba ang presyo nito sa isandaang piso kada kilo.
Pabor naman ang Davao Consumer Movements sa naturang hakbang, at inirekomenda na rin nila na palakasin ang local production ng bawang sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka upang mapababa ang importasyon at presyo nito.
Pinag-aaralan na rin ng DA Region 11 kung anong klaseng bawang ang pwedeng itanim sa Davao Region.
Batay sa pinakahuling monitoring ng kagawaran, nasa 140 hanggang 170 pesos ang presyo ng kada kilo ng imported bawang sa Metro Manila, at pumapalo naman sa apatnaraang piso kada kilo ang presyo ng lokal na bawang.