Ikinagulat ng ilang residente ng Boracay ang pahayag ni pangulong Rodrigo Duterte isasailalim sa land reform ang isla.
Ayon sa ilang residente ng Barangay Manoc-Manoc, wala namang mga sakahan o taniman sa isla kaya’t tila imposible ang ini-anunsyo ni Pangulong Duterte.
Magugunitang ipinag-utos ng punong ehekutibo ang 6 month shutdown ng Boracay simula Abril 26 at pamamahagi ng mga lupa dahil agricultural at forest land ang isla.
Sa ilalim ng Presidential Proclamation 1064 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kina-kategorya ang 628.96 hectares o 60.94 percent ng isla bilang alienable and disposable o maaaring tirahan habang ang nalalabi ay forest land at protected areas.
Bagaman ilang bahagi lamang ng Boracay ang may titulo, karamihan sa mga residente ay deka-dekada ng nagbabayad ng tax declarations.
Una ng inihayag ng Department of Environment and Natural Resources na sa ilalim ng kasalukuyang landownership laws, ang mga claimant ng public lands ay kailangang maghintay ng tatlumpung taon bago makapag-apply ng titulo para sa mga lupaing kina-kategorya bilang alienable at disposable
Kaugnay dito, Nakatakdang mag-issue ang Department of Environment and Natural Resources ng free patents sa mga claimant ng agricultural land sa isla ng Boracay, Aklan.
Ito’y makaraang i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa land reform ang isla upang itaguyod ang land distrubution at mas maayos na kalidad ng buhay ng mga magsasaka.
Ayon kay DENR Land Management Bureau Legal Division Officer-In-Charge at Assistant Chief Emmanuel Genciana, ang free patent ay isang grant ng land ownership sa kwalipikadong claimant na nag-apply.
Gayunman, nilinaw ni Genciana na tanging agricultural areas sa mga alienable and disposable land ang kwalipikado para sa free patents at ilan sa mga requirement ay dapat okupado ng claimant ang lupa at nagbabayad ng real estate tax o amelyar.
Planong pagsasailalim sa land reform ng isla ng Boracay ikinatuwa ng mga katutubong Ati
Ikinalugod ng mga katutubong Ati ng Boracay, Aklan ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa land reform ang isla.
Ayon kay Delsa Justo, pinuno ng Ati Community sa Boracay, noon pa man ay sagana sa mga pananim ang Boracay at kahit saan ay nakapagtatanim sila ng iba’t ibang gulay.
Gayunman, palaisipan pa anya sa kanila kung may mga lugar pang maaaring pagtaniman sa isla.
Aminado si Justo na bagaman malaking tulong sa kanila ang mga agricultural land, sa ngayon ay tanging sa turismo nakasalalay ang kanilang hanapbuhay kaya’t ikinalulungkot din nila ang 6 month shutdown ng Bora.