May iba pang hakbang na nakalatag ang pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon sa gitnang silangan, partikular na ang giyera sa pagitan ng Iran at Israel.
Sinabi ni Department of Energy OIC Usec. Sharon Garin na ang nakikita nilang worst-case scenario ay kung tuluyan nang maubos ang supply ng langis sa bansa na posibleng magtulak sa pagsirit ng presyo nito.
Kaya naman ginagawa aniya ngayon ng pamahalaan ang lahat ng paghahanda, kabilang na ang paghahanap ng iba pang supplier tulad ng Estados Unidos, Canada, Brazil at iba pang mga bansa na nagpo-produce ng langis.
Sa ngayon ay hindi pa nakikita ni acting Secretary Garin ang pangangailangan ng pagdedeklara ng pamahalaan ng state of emergency dahil mayroon pa namang buffer stocks ng langis ang mga kumpanya ng langis na magkakasya sa loob ng isang buwan.
Bumaba rin aniya sa 69-dollar per barrel ang krudo at umaasang magpapatuloy ito sa mga susunod na araw sa gitna ng idineklarang ceasefire ng mga nasasangkot na bansa.