Magiging mas istrikto na ang pamahalaan sa pagpasok sa mga bagong kontrata na may kinalaman sa mga flood control projects, lalo na laban sa mga kumpanyang bigong tapusin ang kanilang nakaraang proyekto.
Ito ang tiniyak ng Palace Press Officer at Presidential Communications Office Usec. Claire Castro kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil dito.
Anya, malinaw ang pahayag ng pangulo na bantayan nang mabuti ang mga kumpanyang may masamang record, kabilang ang ilang dati nang blacklisted ngunit nagpalit lamang ng pangalan at patuloy pa ring nakakakuha ng proyekto mula sa gobyerno.
Binigyang-diin din ni Usec Castro na mahalaga ang pagtutulungan ng media at ng publiko upang matukoy at maimbestigahan ang mga ganitong kumpanya.
Mas mainam din anya na masilip ng mga mamamahayag ang kalidad ng trabaho at kasaysayan ng mga kontratista para masiguro ang maayos na implementasyon ng mga proyekto.