Kinumpirma ng pamahalaan ng Estados Unidos na tumutulong na sila sa militar para sa pagtugis at pagpulbos sa Maute Group na nasa Marawi City.
Sa ipinalabas na pahayag ng US Embassy sa Maynila, kanilang sinabi ang ibinibigay nilang tulong ay dahil na rin sa hiling ng AFP o Armed Forces of the Philippines.
Dagdag pa ng US Embassy, matagal nang nagbibigay tulong ang US Special Operations Forces sa bansa.
Samantala, nilinaw naman ni Lt/Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Army na hanggang technical support lamang ang ibinibigay ng tropa ng Amerika at hindi sila sumasama sa bakbakan.
Presensya ng tropa ng Amerikano sa Marawi kinundena
Binatikos ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang presensya ng tropa ng mga Amerikano sa gitna ng bakbakan sa Marawi City.
Sa isang kalatas, iginiit ni Zarate na dapat tanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong na ibinibigay ng Estados Unidos dahil taliwas ito sa isinusulong na independent foreign policy ng pamahalaan.
Sinabi pa ng mambabatas na siguradong may kapalit ang ibinibigay na tulong ng Amerika.
Nagdududa rin si Zarate sa tiyempo ng pagtulong ng Amerika na kung kailan aniya malapit nang masukol ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang kuta ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Aniya, tila isang pagkukunwari lamang ito ng Amerika sa kanilang anti-terrorism campaign sa Pilipinas.
By Krista De Dios