Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para sa pagpapatupad ng price cap sa COVID-19 RT-PCR test.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung ibabatay sa lahat ng indikasyon, malaki ang posibilidad na matutuloy na ang implementasyon ng price cap sa COVID-19 testing
Ani Roque, tapos na ang pag-aaral at naibigay na rin ng technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang rekomendasyon hinggil dito.
Natapos na rin aniya ang lahat ng paper works sa tanggapan ng executive secretary.
Gayunman, sinabi ni Roque na hindi pa niya masabi sa ngayon kung hanggang magkano lamang dapat ang ipataw na presyo sa RT-PCR test.
Binigyang diin naman ng kalihim, nararapat lamang na magtakda ng price cap ang gobyerno sa RT-PCR test dahil may ibang mga laboratoryo ang nananamantala at napakataas maningil.