Tiniyak ng ilang kandidato sa pagka-pangulo na itataguyod nila at pangangalagaan ang karapatang pantao.
Sa ikalawang bahagi ng PiliPinas Debates 2022: The Turning Point na ginanap sa Sofitel sa Pasay City, sinabi ni dating Presidential spokesman Ernesto Abella na mahalagang bigyan ng trabaho at oportunidad ang mga mahihirap at mga vulnerable individuals upang hindi lumala ang problema sa droga.
Para naman kay Ka Leody de Guzman, hindi uubra sa kanya ang katulad ng polisiya ng kasalukuyang administrasyon na nalalabag na ang mga karapatang pantao ng mga mamamayan.
Isusulong naman ni Vice President Leni Robredo ang prevention at treatment sa drug problem, pagpapa-rehab sa mga adik at pagpaparusa sa mga tulak ng bawal na gamot.
Samantala, titiyakin naman ni Sen. Manny Pacquiao na masusugpo ang mga sindikato ng droga sa bansa na nagpapasok ng droga sa bansa habang isusulong ni Sen. Ping Lacson ang maayos na implementasyon ng anti-terorrism law na aniya’y maraming safe guards.