Ikinagalit ni House Committee on Public Order and Safety Chairman Rolando Valeriano ang ibinunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa sinasabing sistema ng katiwalian sa flood control projects.
Para kay Rep. Valeriano, kung totoo ang mga ipinrisinta ng senador, nakakasukang isipin na habang binabaha ang mga Pilipino ay may mga opisyal at negosyante na pinagkakakitaan ang proyekto ng gobyerno.
Naniniwala ang mambabatas na dapat maimbestigahan ang lahat ng sangkot sa katiwalian ng flood control projects at pangalanan upang maging malinaw ang naturang isyu.
Naniniwala rin ang mambabatas na maaaring may pagkukulang ang Department of Budget and Management sa oversight sa mga inilalabas na pondo kaya naman kailangan nitong suriin nang mabuti kung naipatupad ang lahat ng proyekto sa bansa.
At ngayong pormal nang nabuo ang tri-committee na mag-iimbestiga sa flood control projects, iginiit ng kongresista na ito ang tamang venue para linisin ang pangalan ng kanyang mga kasamahan sa Kamara at panagutin kung talagang may mga sangkot sa anomalya.
—Sa panulat ni Jasper Barleta