Kinundena ng Presidential Task Force on Media Security ang pagpatay sa dating Radio Commentator na tumatakbong Konsehal sa Sultan Kudarat.
Kinilala ang biktimang si Jaynard Angeles, 36- anyos, dating Station Manager ng Radyo ni Juan 88.3 FM na binaril sa ulo ng riding-in-tandem sa Tacurong City, kahapon ng umaga.
Kasabay ng pakikiramay sa pamilya, kaibigan at ka-trabaho ni angeles, inihayag ni Undersecretary Joel Egco, Executive Director ng Task Force na hindi nila kukunsintihin ang mga karahasan laban sa mga mamamahayag.
Nakikipag-ugnayan na rin anya sila sa Philippine National Police para sa malalimang imbestigasyon at mabilisang pagkamit ng katarungan para sa biktima.
Bukod sa anggulong may kinalaman sa trabaho, tinitingnan din ng PNP kung may kaugnayan ang krimen sa pulitika lalo’t tumatakbong konsehal sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas si Angeles sa bayan ng Lambayong.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng umaga nang barilin ang biktima habang nasa Auto Repair Shop sa Purok Sampaguita, Barangay New Carmen, Tacurong City.