Mahigpit na babantayan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapatupad ng minimum health and safety protocols kontra COVID-19 ngayong Halalan 2022.
Ito ang inihayag ni COMELEC Commissioner Aimee Torrefranca – Neri na siyang bagong talagang Chairperson ng New Normal Committee ng Poll Body.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Neri na sa kabila ng bumababang kaso ng COVID-19 na naitatala ng Pamahalaan, hindi magpapakakampante rito ang COMELEC upang maiwasan na pagmulan ng panibagong surge ang Halalan.
Dahil dito, umapela ang COMELEC sa publiko na palagiang sundin ang minimum public health standards bago, habang at kahit matapos na ang Halalan upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng lahat.
Sa panig naman ng Philippine National Police, sinabi ni PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos na sapat ang kanilang mga tauhan upang umalalay sa pagpapatupad ng health and safety protocols kontra COVID-19 bilang bahagi ng kanilang pagtitiyak ng isang ligtas, malinis at mapayapang eleksyon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)