Nilinaw ni bagong Philippine National Police officer in charge Chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., na hindi hidwaan ang ugat ng pagkakasibak sa pwesto kay dating PNP chief Gen. Nicolas Torre the Third.
Ayon kay LtGen. Nartatez, bahagi ang pagpapalit ng liderato ng pambansang pulisya sa general order na ibinaba ng Malacañang na kinakailangang anyang sundin.
Sinabi ng bagong PNP OIC chief na itinalaga sila sa pwesto sa ilalim ng trust and confidence ng higher authority at maaari silang sibakin anumang oras.
Hindi naman aniya pipilitin si Gen. Torre na magretiro na nang mas maaga o umalis sa serbisyo dahil karapatan niya ito bilang police officer na hindi pa umabot sa kanyang retirement age.
Maaari namang manatili muna, ani PNP OIC Chief Nartatez, sa tanggapan ng PNP chief si Torre ngunit wala na itong kapangyarihang pamunuan ang buong hanay ng pambansang pulisya.