Sa magkakasunod na hearing na isinasagawa ng kongreso hinggil sa maanomalyang flood control projects, sunud-sunod din ang ginawang pagpapasabog ng mga indibidwal na umano’y sangkot sa isyu at tuluyan nang inilalaglag ang mga umano’y katransaksyon nila sa negosyo.
Nagkagulo sa social media nang gawin ito ni Curlee Discaya kung saan ilang kongresista at kawani ng DPWH ang pinangalanan nito na nanghingi umano ng parte sa kanilang mga proyekto.
Hindi rin nagpahuli ang sinibak na sa serbisyo na si Brice Hernandez na idinawit naman sa isyu sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva.
Kahit na ikinainis ito ng mga isinangkot na indibidwal na agad na nagpaliwanag, sinabi ng political analyst na si Dr. Froilan Calilung sa opisyal na panayam ng DWIZ na malaking tulong na hindi natatakot ang mga kinekwestyon ngayon sa mga hearing na pangalanan ang mga kapwa nila na umano’y sangkot din.
Pero ngayong nasangkot na rin ang mga mismong nag-iimbestiga sa isyu, paano pa nga ba pagkakatiwalaan ng mga pilipino ang investigating body?
Ayon kay Dr. Calilung, ang imbestigasyon na ito ay maituturing na legislative duty at preliminary pa lang pero maaaring gamiting basehan sa isasampang preliminary cases sa sinumang mapapatunayang may sala.
Pero aniya, ang imbestigasyon na ito ay tip of the iceburg pa lamang dahil ang flood control projects pa lang ang naiimbestigahan. What more kapag sinilip na ang iba pang proyekto ng DPWH?
Kung ikukumpara pa nga sa ibang bansa, agad na naghahain ng resignation ang mga opisyal na nasasangkot sa mga isyu. Pero dito sa Pilipinas, itinatanggi pa ng mga opisyal ang mga paratang laban sa kanila para mapanatili ang kanilang kapangyarihan at impluwensya.
Katulad ng hinahangad nating lahat, nais din ni Dr. Calilung na magkaroon ng investigating body na gagawin ang ang kanilang trabaho nang walang halong bias.
Sa ngayon, mukhang matagal-tagal pa ang aabutin ng serye na ito. Pero tayong mga Pilipino, hindi lang pagsubaybay ang dapat gawin, dahil ngayon pa lang, pwedeng-pwede na nating simulan ang pagre-reflect nang sa ganon ay matuto na tayo sa susunod na halalan.



