Hindi umaasa si Oiffce of the Solicitor General (OSG) Atty. Darlene Marie Berberabe na magbabago pa ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa ginawang pagbasura sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay SolGen. Berberabe, tila malabo nang ma-overturn ang pasya ng SC dahil sa labintatlong mahistrado ang bumoto para ideklarang unconstitutional ang articles of impeachment laban sa bise presidente habang dalawa ang nag-abstain.
Sa ginanap na 6th weekly membership meeting ng Rotary Club of Manila sa Manila Polo Club Makati, inihayag ni SolGen. Berberabe, na bilang abogado ng Kamara, hindi niya na inaasahang mapagbibigyan ang kanilang inihain na motion for reconsideration sa Korte Suprema.
Ipinangako naman ni Berberabe na hindi niya hahayaan na magamit sa anumang uri ng pamumulitika o pansariling interes ang kanyang pinamumunuang ahensya.
Sa ngayon, nakaantabay lamang aniya ang OSG sa magiging hatol ng SC sa kanilang isinumiteng motion for reconsideration.
—sa panulat ni Jasper Barleta