Inanunsyo ng Department of Agriculture na matatapos na sa Disyembre ang mega cold storage facility sa Camarines Sur na nagkakahalaga ng limandaang milyong piso.
Sa oras na matapos ang pasilidad, mapapahusay nito ang food security, makakalikha ng maraming trabaho, at makakadagdag sa kita ng mga magsasaka sa Bicol Region at mga kalapit na lalawigan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., naaayon sa pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proyekto na gawing agri-preneur ang mga magsasaka sa bansa.
Magkakaroon ng anim na refrigerated warehouse ang cold storage complex na bawat isa’y kayang mag-imbak ng dalawandaang at dalawampu’t apat na tonelada ng agricultural products.
Kaugnay nito, inaasahan na rin ang pagbubukas ng iba pang cold storage sites sa Taguig City, Cabanatuan City, at sa lalawigan ng Occidental Mindoro at Isabela sa susunod na taon.
—sa panulat ni Mark Terrence Molave