Plano ng Commission on Elections na humiling ng karagdagang apat na bilyong pisong pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sakaling ipagpaliban ito.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, gagamitin ang karagdagang budget para sa mga karagdagang balota, election paraphernalia, presinto, at mga guro na magsisilbing electoral board sa darating na B.S.K.E.
Nabatid na matapos ang sampung araw na voters’ registration, pumalo sa mahigit 2.7 million ang mga bagong botante.
Bagama’t, ayon kay Chairman Garcia, posible pang umabot sa apat na milyon ang nasabing bilang.
Sa ngayon, aniya, may nakalaang 11 billion pesos na pondo ang pamahalaan para sa Barangay at SK elections.
Nabatid na kamakailan lamang ay kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang lalagdaan ang panukalang nag-u-urong sa petsa ng B.S.K.E. sa Nobyembre ng susunod na taon.