Tuloy ang implementasyon ng online voting para sa mga Overseas Filipino Workers sa 2028 national elections.
Ito, ayon sa Department of Migrant Workers ay ipagpapatuloy sa kabila ng mga agam-agam kaugnay sa seguridad ng sistema.
Kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na masusing pinaghahandaan ng Commission on Elections ang digital voting system.
Aniya, layon ng hakbang na ito na padaliin ang pagboto ng mga pilipino sa ibang bansa at mapataas ang kanilang partisipasyon sa eleksyon.
Ipinahayag ng opisyal na nauunawaan ng ahensya ang mga pangamba tungkol sa posibleng “hacking” o katiwalian sa sistema.
Gayunman, tiniyak niya na isinusulong nila ang matibay na cybersecurity measures upang mapanatili ang integridad ng botohan.
Una nang isinulong ng COMELEC ang digital at online voting para sa overseas voters bilang tugon sa mababang turnout ng mga botanteng pilipino sa ibang bansa noong nakaraang halalan.