Nasa kamay ng Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano katagal isasara ang Boracay Island para sa paglilinis at rehabilitasyon ng isla.
Ayon kay Tourism Undersecretary Ricky Alegre, tuloy-tuloy lamang ang paglalatag nila ng lahat ng mga suhestyon at resulta ng kanilang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang maging giya ng Pangulo sa kanyang pagpapasya.
Ipinaliwanag ni Alegre na hanggang dalawang buwan lamang ang nakikita nilang posibleng total shutdown ng Boracay Island.
Una rito, sinabi ng Pangulong Duterte na pabor siyang maisara hanggang anim na buwan ang Boracay Island na kung matatandaan ay tinawag niyang tila cesspool o mala-imburnal na ang karagatan.
“Hindi naman niya sinabing for one year, it can be closed for a maximum of one year, binanggit nga niya na after 60 days eh maaari nang magkaroon ng partial reopening, maaaring section by section, phase by phase, nagbanggit na po ang Palasyo ng Malacañang, ni Pangulong Duterte na pakikinggan lahat ng suggestions at kung ano man ang final decision ni President Duterte ay malamang ‘yun ang pinaka-consultative na decision na manggagaling sa consultation sa private sector.”
(Ratsada Balita Interview)