Tinukoy ng BEI o Board of Election Inspectors ang ilan sa mga nakikita nilang problema sa isinagawang mock elections bilang paghahanda sa halalan sa Mayo.
Nagkaroon ng aberya sa isinagawang mock elections partikular na sa Quezon City sa isang botante nang sumailalim sa finger printing subalit nasolusyonan naman nang dumaan na lamang ito sa manual scanning.
Ilan din sa mga nakikitang problema ay ang mga may kapansanan at mga nakatatanda kaya’t naglagay na ang mga awtoridad ng emergency accessible precinct kung saan may mag-a-asiste sa kanila at mas mabilis na makaboboto ang mga ito.
Inirekomenda naman ng BEI na maliban sa mga kagamitan sa halalan ay maglagay din ng mga salamin na may iba’t ibang mga grado o di kaya nama’y magnifying lenses para makatugon sa pangangailangan ng mga botanteng malalabo ang paningin.
(with report from Jaymark Dagala)