Hati ang ilang senador sa inaprubahang umento sa buwanang pensyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System o SSS.
Para kay Senador Bam Aquino, bagama’t suportado niya ang naturang hakbang pero nakagugulat na may kaakibat naman itong umento sa buwanang kontribusyon.
Bagama’t maliit kung tutuusin ang 1.5 percent na dagdag sa monthly premium, sinabi ni Aquino na malaking bagay pa rin ito kung susumahin.
Para naman kay Senador Sonny Angara, lubhang kailangan talaga ang dagdag sa buwanang kontribusyon upang matugunan ang inihihirit na dagdag-pensyon.
Batay kasi aniya sa ipinakitang datos ni Finance Secretary Carlos Dominguez, posibleng maka-apekto sa reserbang pondo ng SSS ang dagdag pensyon dahil sa iiksi aniya ang buhay nito.
Contribution increase, unconstitutional?
Maituturing na labag sa batas ang ginawang pagtataas sa buwanang kontribusyon ng mga kasalukuyang miyembro ng Social Security System o SSS.
Ito’y ayon kay Senate President Franklin Drilon ay upang matapatan ang dalawang libong pisong (P2,000) dagdag sa buwanang pensyon na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Drilon, hindi katuwiran na ipasa sa mga kasalukuyang miyembro ang pasanin para mabigyang katuwiran lamang ang dagdag-pensyon para sa mga retirado.
Malinaw aniya ang nakasaad sa Republic Act 8282 o ang Social Security Act na hindi maaaring balikatin ng mga kasalukuyang miyembro ang anumang dagdag benepisyo sa pamamagitan ng dagdag kontribusyon.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)