Dapat nang panagutin at ikulong sa lalong madaling panahon ang lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects at isauli ang perang ninakaw nila sa kaban ng bayan.
Ito ang panawagan ni retired Philippine Marines Colonel Ariel Querubin sa isyu ng katiwalian sa pamahalaan matapos ang malawakang protesta noong Setyembre a-bente-uno at panibagong malawakang demonstrasyon na ikinakasa sa Nobyembre 30.
Ayon kay Querubin, naiinip na ang taumbayan maging ang mga retiradong uniformed personnel sa proseso ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure.
Ibinunyag din ng 2025 senatorial candidate na bagaman nagpapatuloy ang pulong nilang mga retiradong sundalo kaugnay sa ikinakasang kilos-protesta, hindi dapat makinig ang taumbayan at Armed Forces of the Philippines sa sulsol ng ilang pulitiko na mag-aklas laban sa pamahalaan.
Samantala, nanawagan din si Querubin, na isa sa mga Medal of Valor recipient, na magkaisa ang mga Pilipino na tuldukan na ang katiwalian sa pamahalaan at maging mas mapanuri ang mga sundalo sa mga impormasyong naglalabasan, lalo sa social media.