Aminado ang Armed Forces of the Philippines o AFP na magiging pahirapan ang pagpapabalik sa mga residente ng Marawi City sa kani-kanilang mga tahanan.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Major General Restituto Padilla sa kabila ng malaking development sa lungsod matapos mapatay ang dalawang lider teroristang sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Sa isinagawang Mindanao Hour sa Malakanyang, sinabi ni Padilla na marami pang mga nakakalat na boobi traps at mga improvised explosive device o IED’s sa lugar kaya’t mainam aniyang malinis muna ito ng maigi.
Batay sa pagtaya ng militar, nasa animnapu (60) hanggang walumpung (80) gusali pa ang kailangang isailalim ng militar sa clearing operations, bukod pa sa pagtugis sa isang Malaysian terrorist na sinasabing nagtatago pa sa lugar.