Nagpaalala sa mga pampublikong sasakyan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa maaaring maningil ang mga tsuper na wala pang panibagong fare matrix o taripa na nakapaskil sa kanilang mga sasakyan.
Kasunod ito ng pag-apruba ng LTFRB sa hiling ng mga grupo ng transportasyon hinggil sa inaasahang pagtaas ng pamasahe na magsisimula sa October 3, 2022.
Kabilang sa mga pampublikong sasakyan na magtataas ng singil sa pamasahe ay ang mga traditional modern jeepney, pampasaherong bus, taxi at TNVS.
Ayon sa LTFRB, dapat na nakikita ng mga pasahero ang fare matrix sa kanilang pagsakay upang matiyak na tama ang singil sa kanila ng mga tsuper at konduktor.
Ang mga tsuper at konduktor na hindi susunod o lalabag sa alituntunin ng ahensya ay posibleng maharap sa kaukulang parusa.