Tiniyak ng United Kingdom Embassy dito sa Pilipinas na hindi apektado ng kanilang pag-alis sa European Union ang Pilipinas.
Sa isang press briefing, sinabi ni British Ambassador Asif Ahmad na unang beses itong nangyari kaya naman hindi pa nila maisip sa ngayon ang implikasyon nito sa pulitika at ekonomiya ng UK.
Gayunpaman, wala aniyang magbabago para sa mahigit 200,000 Pilipinong naninirahan sa UK kahit pa sa mga kritikal na sektor gaya ng healthcare at electrical engineering nagtatrabaho ang karamihan sa mga OFW.
Sinigurado rin niyang walang magbabago sa immigration status ng mga Pinoy roon.
Para sa mga nangangambang humina ang ekonomiya ng UK, sinabi ng Ambassador na panandalian lang ang makikitang volatility.
At kapag muling bumalik sa normal o kumalma na ang merkado, makikita ng mga tao na malakas pa rin ang UK lalo na sa manufacturing at plastic industries.
Kaya naman hindi, aniya, maaapektuhan ang pamumuhunan ng UK sa Pilipinas; sa halip, baka tumaas pa sa mga susunod na buwan.
By: Avee Devierte