Pumalo sa mahigit 83,000 mga pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t-ibang mga pantalan sa buong bansa, ilang araw bago ang pag-gunita sa undas.
Kaugnay ito ng ikinasang oplan biyaheng ayos Undas 2019 ng Department of Transportation kung saan inatasan ang PCG na i-monitor ang bilang mga papaalis na pasahero sa mga pantalan sa buong bansa.
Batay sa tala ng PCG, kahapon ng maghapon, pinakamarami ang mga bumiyaheng pasahero sa Western Visayas o mga pantalan sa Antique, Aklan, Iloilo, Capiz at Guimaras na pumalo sa mahigit 22,000.
Sinusundan naman ito ng Central Visayas o mga lalawigan ng Cebu at Bohol na umabot sa mahigit 17,000 mga pasahero.
Magugunitang noong nakaraang linggo, pinaalalahanan ng DOTR ang publiko kaugnay sa ipinatutupad na exemption sa mga estudyante mula elementary hanggang kolehiyo sa pagbabayad ng terminal fee sa mga pantalang pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority.