Makakatanggap ng monthly cash allowance ang mga college at senior high school students ng Universidad de Manila (UDM) mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ito ay matapos lagdaan ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan ang paglalabas ng monthly allowance para sa mga mag-aaral ng lungsod.
Nabatid na nasa 11,161 college students at 580 shs students ang mabibigyan ng tulong pinansiyal kung saan, ang mga college students ay makakakuha ng P1,000 mula sa city government habang ang mga shs students naman ay mayroong P500 kada buwan.
Ayon sa Manila lgus, naglaan ang lungsod ng P117 million na pondo bilang bahagi ng social amelioration program ng city government na may layuning matulungan ang mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa eskwela.
Samantala, iginiit ni Lacuna na ang allowance na kanilang ipinamamahagi ay malaking tulong sa mga mag-aaral para masigurong gaganahan ang mga ito na mag-aral ng mabuti at matiyak na makapagtatapos sila at magkakaroon ng magandang kinabukasan.
Iginiit ni Lacuna na ang pagkakaroon ng college degree ay ang tanging susi upang magkaroon ng mas maayos na pamumuhay ang mga estudyante at kanilang mga pamilya.