Sa nakakapagod na mundo, pagtulog na lang ang paraan ng mga empleyado para magpahinga, pero madalas ay hindi ito napagbibigyan. Kaya nga mapapasana-all ka na lang talaga dahil mayroong mga kumpanya sa Japan na kung saan pinapayagan ang mga empleyado na matulog para maiwasan ang sleep deprivation.
Naiinggit ka na rin ba? Kung naghahanap ka ng ganitong klase ng trabaho, eto.
Tinatayang aabot lang ng 7.3 hours ang tulog ng mga Japanese kada gabi, kung kaya nga lumabas sa Gender Data Portal ng OECD Statistics noong 2019 na ang mga tao sa Japan ang may pinakamaigsing oras ng tulog sa buong mundo.
Ito ay dahil sa pagiging abala ng mga ito sa maghapong pagtatrabaho, kung kaya nga hindi sinasadyang nakakatulog ang ilan habang bumibiyahe pauwi.
Pero hindi na kinailangan pang mag-adjust ng mga empleyado pagdating sa problema na ito dahil ang ilang kumpanya na mismo ang gumawa ng paraan para hindi sila magkaroon ng problema sa pagtulog.
Narinig niyo na ba ang salitang hirune? Ang ibig sabihin nito ay lunchtime sleep.
Pina-practice ito sa GMO Internet Group at tinatawag na GMO siesta, kung saan maaaring magpahinga ang mga empleyado sa isang conference room na mayroong 27 mga kama.
Ayon sa Chief Spokesperson ng GMO na si Sae Takahashi, nagagamit ng mga empleyado nilang may anak ang hirune bilang pagkakataon para bumawi sa tulog na nawawala sa kanila dahil sa mga gawain sa bahay.
Bukod sa nare-recharge ang mga empleyado at mas nagiging efficient sa trabaho, makakatulong din ang hirune para maiwasan ang karoshi o ang pagkamatay mula sa sleep deprivation dahil sa pagiging overworked.
Ikaw, gusto mo rin bang makahanap ng kumpanya kung saan ine-encourage ang mga empleyado na magpahinga at alagaan ang kanilang mga sarili?