Magkakaiba ang opinyon ng mga ekonomista sa naging banta ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na reenacted budget sa taong 2026 kapag hindi ito nakaayon sa polisiya ng kanyang administrasyon.
Ayon sa ekonomistang si Ruben Carlo Asuncion, kailangang seryosohin ng mga mambabatas ang banta ng Pangulo, lalo na dahil sa magulong lagay ng pulitika sa bansa.
Samantala, para naman kay Ateneo de Manila University economist Leonardo Lanzona Junior, walang laman ang banta ni Pangulong Marcos dahil mas marami pa siyang pangakong binitawan sa kanyang State of the Nation Address.
Binigyang-diin naman ni dating Socio-Economic Planning Secretary Dante Canlas na mahirap pang malaman sa ngayon ang bigat ng banta ng punong ehekutibo, subalit mas mainam aniyang bumuo ng isang fiscal plan sa kabuuan ng 20th Congress.
—Sa panulat ni Anjo Riñon