Kailangang matukoy ang mga big boss na nag-organisa o nasa likod ng mga kontrobersyal na flood control projects.
Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros sa harap ng ginagawang mga imbestigasyon sa mga sinasabing kwestiyunable, depektibo at ghost flood control projects.
Ayon kay Senador Hontiveros, mas mabuting ibigay sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman at Department of Justice ang pangongolekta ng mga ebidensya at maghalukay ng paper at money trails.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na mahalagang may mahuli at makasuhan na mga opisyal, at may ma-blacklist na kontraktor. Makakabilang din aniya sa kakasuhan ang sinumang haharang o tatangging tumulong sa naturang imbestigasyon.
Magugunitang nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Junior sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address na mananagot ang mga indibidwal na madadawit sa mga katiwalian sa pamahalaan kahit pa kaalyado niya ito.