Tiniyak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na walang ghost at substandard projects sa mga proyektong nasa ilalim ng Barangay Development Program o BDP.
Ayon kay NTF-ELCAC executive director Usec. Ernesto Torres Jr., mahigpit ang guidelines at regular ang monitoring ng proyekto mula sa iba’t ibang antas ng pamahalaan upang matiyak ang kalidad ng mga ito.
Kasama rito ang Subaybayan Patrol, na isang online monitoring ng Department of Interior and Local Government, gayundin ang personal na pag-inspeksyon ng kanilang national, regional, provincial at municipal teams.
Binigyang-diin din ng NTF-ELCAC na ang mismong mga komunidad ang nakikilahok sa implementasyon, kaya’t naiiwasan ang “ghost” o pekeng proyekto.
Layon ng BDP na maghatid ng mga pangunahing serbisyo at kabuhayan sa mga lugar na dating apektado ng insurgency, tulad ng mga kalsada, silid-aralan, health stations, sistema ng tubig at elektripikasyon.