Muling pinaalalahanan ng Malacañang ang mga senador ukol sa kanilang mandato na tiyaking mapapanagot ang mga dapat managot.
Ito, ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, ay kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang diin ni Usec. Castro na hindi manghihimasok ang Palasyo sa usapin ng impeachment, at nais din naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na sumunod sa tamang proseso at tiyaking naaayon sa batas ang anumang hakbang na gagawin ng mga mambabatas sa naturang isyu.
Iginiit din niya na ginagalang ng Palasyo ang hatol ng Korte Suprema na ibasura ang articles of impeachment laban sa Pangalawang Pangulo sa kadahilanang walang saklaw o hurisdiksyon ang Senate Impeachment Court na talakayin ito.
Samantala, inamin naman ni Usec. Castro na nakatanggap sila ng impormasyon na binabalak ng Bise Presidente na bumiyahe papuntang Kuwait, pero ayon sa Office of the Executive Secretary, wala pang aprubadong travel authority ang nasabing biyahe.