Tinawag ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal na “walang saysay” at “katawa-tawa” ang mga dahilang inilalabas para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Kabilang sa mga binanggit niyang dahilan ang krisis sa langis, giyera sa Middle East, at pangangailangan sa tamang pagtatapon ng basura.
Ayon kay Macalintal, hindi makatuwirang gawing batayan ang mga naturang usapin upang ipagpaliban ang halalan at maantala ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga barangay official.
Kinuwestiyon din niya ang argumento ng Office of the President na kailangan ang incumbent barangay officials para sa pagsugpo ng krimen at waste management, dahil aniya, may mga umiiral nang ahensya at mekanismo para sa mga naturang tungkulin.

