Pinakakansela na ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang lisensya ng driver ng sasakyan na nambangga sa motorsiklong minamaneho ng isang estudyante sa Teresa, Rizal.
Kasunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga iresponsableng driver na nilalagay sa peligro ang buhay ng mga road user
Sa isang viral video sa social media, makikitang sinadyang binangga ng driver ang motorsiklo ng estudyante dahil sinasabing nagasgasan nito ang kanyang sasakyan.
Agad-agad inatasan ni Acting Secretary Lopez ang Land Transportation Office (LTO) na hanapin ang driver para tanggalan ng lisensya habambuhay.
Kakausapin din ni Acting Secretary Lopez ang pamilya ng estudyante at nakahanda ring magbigay ng abogado ang ahensya sa pagsasampa ng kaso laban sa driver.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOTr sa pulisya ukol sa naganap na insidente.
Nakatakda namang maglabas ng show cause order ang LTO laban sa driver ng sasakyan ngayong araw.