Tiniyak ng Department of Public Works and Highways na walang substandard o ghost flood control projects sa Muntinlupa City at lahat ng proyekto ay aprubado ng Central Office.
Tugon ito ng DPWH sa liham ng Sangguniang Kabataan Federation sa pangunguna ni Councilor Jonas Abadilla, SK Federation President ng Muntinlupa, na humiling ng paglilinaw sa mga flood control projects sa kanilang lungsod — partikular ang dalawang proyekto sa Barangay Poblacion na nagkakahalaga ng ₱143.5 milyon.
Sa kanilang liham na ipinadala noong Setyembre 25, mula sa Barangay Poblacion at Southville 3, tinanong ng mga kabataan kung sino ang nagpapasya sa pagpili ng mga proyekto, ano ang mga batayan sa pagpapatupad, at kung kabilang ba ang Muntinlupa sa mga proyekto na iniimbestigahan ng kagawaran.
Kabilang sa kanilang binanggit na proyekto ay ang ₱49-milyong flood control project sa Barangay Poblacion at ₱94.5-milyon sa Southville 3.
Pinuri naman ng DPWH District Engineering Office ang SK sa pagiging mapagmatyag at ipinaliwanag na ang project identification at implementation ay pinangangasiwaan ng kagawaran, katuwang ang local government units at district representatives.
Gayunman, ang DPWH Central Office pa rin ang may final approval sa ilalim ng General Appropriations Act na ipinapasa ng Kongreso.
Ayon sa DPWH, tinutukoy ang flood control projects batay sa community vulnerability, technical studies, at proteksyon ng umiiral na imprastraktura.