Pinasinungalingan ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang naging pahayag ni Senator Francis Chiz Escudero matapos ang privilege speech nito sa Senado.
Ayon kay Romualdez, ang mga pahayag ni Escudero laban sa kanya ay hindi exposé kundi isang DDS script.
Anya, walang katotohanan ang mga luma at paulit-ulit na akusasyon laban sa kanya na matagal na nating nakikita sa mga troll pages at mga post sa social media.
Naniniwala si Romualdez na umiiwas lang sa seryosong katanungan si Escudero at hindi rin niya ipinaliwanag ang sarili niyang papel na may kaugnayan ang kanyang pangalan sa mga kickback sa flood control projects.
Malinaw para kay dating House Speaker Romualdez na ang talumpati ni Sen. Escudero ay hindi tungkol sa pananagutan kundi para isulong ang kanyang pansariling ambisyon.
Iginiit ni Romualdez na ang mga pahayag ni Escudero ay pagpapakita ng kanyang katapatan at serbisyo kay VP Sara at para aniya iposisyon ang kanyang sarili bilang kaalyado ng Bise Presidente para sa taong 2028.
Dagdag pa ni Romualdez na ang tunay na pinagsisilbihan ni Escudero ay hindi ang katotohanan, kundi ang sariling interes at mga plano sa politika.
Nangako naman si Romualdez na patuloy na makikipagtulungan sa bawat patas na imbestigasyon dahil wala aniya siyang itinatago at kung tunay na pananagutan ang hinahanap ng senador, dapat na sa presinto aniya ito magpaliwanag.