Aminado ang ekonomistang si Astro del Castillo na may malubhang epekto sa ekonomiya at infrastructure-development ng bansa ang maanomalya umanong ghost flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay del Castillo, masama na ang imahe ng kasalukuyang estado ng gobyerno ng Pilipinas sa mga foreign investor sa gitna ng mga issue ng katiwalian sa nasabing proyekto.
Isa anyang halimbawa nito ang pagsusupinde ng South Korea sa loan agreement sa Pilipinas.
Dahil dito, nahihirapan anya ang pamahalaan na makahikayat at makakuha ng karagdagang foreign investments.
Bagaman positibo pa rin ang pananaw ni del Castillo sa magiging takbo ng kalakalan sa mga susunod na taon, nakalulungkot pa ring mapag-iiwanan na naman ang Pilipinas ng mga kapitbahay nitong bansa.