Tiniyak ng bagong Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Jay Arturo Tugade, na kanilang wawakasan ang korapsiyon sa ahensya.
Kasunod ito ng kaniyang panunumpa kamakailan sa harap ni Transportation Secretary Jaime Bautista kung saan, prayoridad niya na mas mapataas pa ang antas ng LTO at i-maximize ang paggamit ng teknolohiya na magpapabilis sa mga transaksyon ng ahensya.
Ayon kay Tugade, isa sa kaniyang tututukan ang pagproseso ng mahahalagang dokumento tulad ng pagpaparehistro ng sasakyan at aplikasyon ng lisensya kung saan, marami umanong opisyal ang nasasangkot sa katiwalian.
Iginiit ni Tugade na kaniyang lilinisin ang ahensya at palalakasin ang digitalization para maibalik ang tiwala ng publiko sa lto.
Target ding paigtingin ng bagong talagang opisyal ang kampanya ng LTO sa Road Safety Plan para maabot ang zero deaths sa mga aksidente sa kalsada.
Pinasalamatan naman ni Tugade si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa pagtatalaga nito na mamuno sa lto.
Si Asec. Tugade ay ang anak ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade na namuno naman sa ilalim ng administrasyong Duterte.