Sa patuloy na pag-iimbestiga sa humahabang listahan ng mga umano’y sangkot na indibidwal at korporasyon sa maanomalyang flood control projects, hindi maipagkakaila na ang pinakanapuruhan at ginigisa sa mga ito ay ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Matapos mapa-sana all ng karamihan sa sandamakmak na hindi lang ordinaryo, kundi mga high-end cars ng mag-asawang discaya, nakumpiska at nasa kostodiya na ng Bureau of Customs ang labing-dalawa sa mga ito sa bisa ng inihaing search warrant, habang kusa namang isinuko ng mag-asawa ang labing-anim pang mga sasakyan.
Pero eto na ang inaabangan ng mga netizen. Matapos magalit ng mga pilipino dahil napunta lang umano sa katiwalian at ibang tao ang nakinabang sa binabayaran nilang tax at kinakaltas sa kanilang mga sahod. Ang tanong ngayon ng sambayanan: bayad ba ang tax ng mga imported na sasakyan ng mga Discaya?
Sa isang panayam, sinabi ni Bureau of Customs Chief of Staff to the Commissioner Atty. Chris Bendijo na lumabas sa kanilang paunang imbestigasyon na karamihan sa mga hawak nilang sasakyan ay walang patunay na nabayaran ang duties and taxes.
Pero paglilinaw ni Atty. Bendijo, 29 na luxury cars ng mga Discaya ang hawak ngayon ng Bureau of Customs na hindi rehistrado sa Land Transportation Office. Pero aniya, mayroon naman daw mga sasakyan na binayaran ng mag-asawa ang buwis.
Sa iba pang pahayag, sinabi ni Atty. Bendijo na ang kakulangan sa mga dokumento ay isang malaking red flag at nagbibigay ng impression na ang mga produkto ay iligal na ipinasok dito sa bansa.
Pero to be fair, ire-release naman daw ang mga sasakyan na kumpleto sa dokumento, habang patuloy na iimbestigahan ang mga sasakyang hindi naman pala bayad ang tax pero napasakamay ng mga Discaya at nagawa pang i-register sa LTO.
Higit sa lahat, talagang naghihigpit na ngayon ang mga ahensya lalo na sa mismong tauhan nila dahil bukod sa mga nasasakdal, wala rin daw free pass ang mga tauhan ng BOC kung mapapatunayang may kinalaman ang mga ito sa mga pinagdaanang proseso ng mga nasabing sasakyan.