Umarangkada na ngayong araw ang kampanya ng mga lokal na kandidato para sa 2019 midterm elections.
Asahan na mala-piyestang pagtitipon ng mga taong makiisa sa motorcade sa mga kandidato gayundin ang magiging abala nito sa trapiko.
Nasa labing walong libong (18,000) mga lokal na posisyon ang dapat na mapunan ngayong eleksyon kabilang ang posisyon ng alkalde, gobernador, kongresista, konsehal at iba pa.
Magtatapos naman ang campaign period sa May 11 o dalawang araw bago ang mismong eleksyon.
Comelec
May paalala ang Commission on Elections (Comelec) ngayong opisyal nang magsisimula ang kampanya sa mga lokal na kandidato.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sa panahon ng kampanya ay mahigpit nang ipinagbabawal ang konstruksyon ng public works projects at gayundin ang delivery ng mga materyales nito at paglalabas ng public fund.
Gayundin ang pagbabawal sa pag-appoint o pagkuha ng mga bagong empleyado at paggawa ng bagong posisyon.
Hindi rin pinapayagan ang pagbibigay ng promosyon at pagbibigay ng salary increase sa mga empelyado ng syudad, munisipalidad at pamahalaan panlungsod.
Kasabay nito, hinikayat din ng Comelec ang mga kandidato na kontrolin ang kanilang mga taga-suporta sa darating na halalan.
Ito ay para magkaroon ng kaayusan at maiwasan ang anumang uri ng iskandalo sa panahon ng kampanya.
Kampanya ng mga lokal na kandidato nagsimula na
Umarangkada na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato ngayong araw.
Sa Maynila, magkasunod na dumalo sa isang misa sa Sto. Niño De Tondo Parish Church ang magkatunggali sa pagka-alkalde na sina Isko Moreno at Alfredo Lim.
Alas sais ng umaga nang dumalo sa misa si Moreno habang pang alas otso nagsimba si Lim.
Matapos ang misa ay sinimulan na ni Moreno ang motorcade kasama ang kanyang running mate na si incumbent Vice Mayor Honey Lacuna.
Pangungunahan naman ni Manila Mayor Joseph Estrada ang proclamation rally nito sa Onyx Street at Sagrade De Pamilya malapit sa Dagonoy Market.
Sa Makati City naman, kapwa nagtungo sa mga nasunugan sa Barangay Bangkal ang magkapatid at magkalaban sa pag-alkalde ng lunsod sina dating Mayor Junjun Binay at incumbent Mayor Abby Binay.
Sa Quezon City, dumalo naman sa misa si Vice Mayor Joy Belmonte kasama ang running mate niyang si gian sotto kasama ang kanilang mga magulang nasina dating House Speaker Sonny Belmonte at Senate President Tito Sotto.
Habang sa taguig naman ay nagdaos ng interfaith rally ang mga lokal na kandidato ng Team Cayetano na kinabibilangan nina Lino Cayetano at Ading Cruz na magkatandem sa pagka-alkalde at bise alkalde at mag-asawang sina Alan at Lani Cayetano na kapwa naman tumatakbong mga kongresista. – (written by Ralph Obina)
—-